|TAGALOG| Lasallian Partners

DLSZ-LFMD-SAO
MOA signing with Lasallian Partner Communities

Magandang hapon po ug maayong udto sa tanan. Ako po si Pauline de Lange, isa po akong graduate ng De La Salle Santiago Zobel. Isang produkto ng institution na inyong naging o magiging kaugnayan.

Sa ngalan po ng aking mga kaklase at kaeskwela, at ng aking mga kasamahan sa board of directors ng DLSZ Alumni Association, narito po ako upang ipahiwatag sa inyo, ang aming taos pusong pasasalamat sa pag bubukas ng inyong mga eskwelahan at komunidad sa mga estudyante ng La Salle; noon, ngayon at sa mga susunod pa na pagkakataon.

Importanteng bahagi po ng aming edukasyon ang partnership ng De La Salle Zobel at ng inyong respektibong mga organisasyon at institution dahil sa piling ninyo namin naiintindihan kung ano ho ba talaga ang kailangan naming sikapin tugunan sa ating lipunan.

Kami po ay tinuturuang maging Lasallian achievers for God and Country at sa piling ninyo at sa mga komunidad na katulad ng sa inyo namulat ang aking mga mata sa tunay na kahulugan ng Lasallian value na Service. Sa aming mga outreach at exposure programs ko po naintindihan ang pulso ng mamayang walang bahid ng pamumulitika at walang drama ng media.

Naikot ko na ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas bilang volunteer dahil nasanay na po ako sa taon-taong outreach sa piling ninyo. At noong ako’y magtapos sa Zobel, hinanap-hanap ko ang interaksyon na ito, ang naiba lang po sa landas ng pagvolunteer na aking tinahak ay naghanap ako ng mas challenging ng mga komunidad at napadpad po ako sa Mindanao.

Cagayan de Oro, Davao, Bukidnon at Compostela Valley ang aking naging training ground, doon ko lalo naintindihan ang konsepto ng ‘divide’, sa dalas ng biyahe at sa pakikipagkwentuhan sa mga totoong tao hanga’t naintindihan ko na rin ang kanilang lengwahe. Doon ko po napag tanto ang mga experience mula pa lang dito sa Zobel at dinesisyunan na balang araw gusto kong sumali sa isang International Aid or Development agency tulad ng Unicef sa larangan ng literasiya at edukasyon na magbibigay ng mga serbisyong makakapagpabuti ng kalidad ng pamumuhay ng kabataan sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

Nagpapasalamat po ako dahil pinagbibigyan niyo po kaming makipamuhay sa inyo. Tinuturuan niyo po kami ng mga leksyon na hindi namin matutunan sa loob ng silid-aralan. Ipinapaintindi ninyo sa amin ang tunay na hinaharap ng aming kapwa at bukas puso po ninyo kaming tinatangap sa inyong mga komunidad.

Sana po’y hindi kayo magsawa sa pakikipagugnayan sa aming paaralan at tuloy tuloy po ang inyong pagsuporta sa values formation at outreach programs ng De La Salle Zobel dahil sa piling niyo po kami namumulat at natutong mahalin ang Inang Bayan. Muli, Daghang salamat ug maayong hapon sa ninyong tanan.

Advertisements